kung may mga bagay akong pinagsisisihan sa pagkakataong to, isa na don ang pagtitiwala kaagad sa mga taong hindi ko naman talaga kilala. Hindi ako pinanganak na sobrang talino, pero ayokong ilagay ang sarili ko sa kategorya ng mga bobo. Nabigyan ako ng utak para gamitin sa pagiisip, pero parati ko lamang itong napapagana sa mga maling pagkakataon- kung kelan huli na ang lahat. kung kelan wala na akong magagawa kundi umiyak para sa bagay na hindi lang ako ang nainsulto, kundi ang mga taong malalapit sa kin.
kung may mga pangyayari man sa buhay kong nag-aksaya ako ng luha, nasisigurado kong hindi yon para sa sarili ko. Kahit minsan hindi ko ginawa yon. Lahat ng luhang kumakawala sa mata ko ay para sa ibang tao. Kung sarili ko lang, wala na akong iiiyak pa. Sanay na ang sisitema ko sa pagtanggap ng pagkatalo at gamitan ng pandaraya ng ibang tao. Mahina ako sa salamangka, kaya siguro hindi ko matukoy kung kelan kathang isip lang ang lahat o kung kelan may basehan na ang mga bagay. Mahilig ako sa teorya, kaya siguro ganon.
Kailan naging tama ang pag-usal ng mga salitang ni hindi mo pala alam ang ibig sabihin? Hindi ako diksyonaryo para malaman ang depinisyon ng lahat ng mga salita. Pero kung tama ang kinamulatan mong mundo at hindi mo kinikilala ang sarili mo bilang isang kakaibang nilalang, alam mo dapat ang ibig sabihin ng salitang pagmamahal. Hindi yon simpleng salita. Hindi iyon basta halaw lamang sa kung anong kwento ng sinanunang panahon. Hindi din iyon matatagpuan sa baul ng ating mga ninuno na pwede nating linisin kung maalikabaok na at muling itatago pagkatapos. Ni hindi ito nalalapit sa panyong pinapahid mo sa mukha mo pag pinagpapawisan ka. Hindi ito nahahawakan. Nararamdaman ito.. isinasaisip.. isinasapuso..
Hindi ko rin gusto ang pakiramdam na iyon hindi dahil bigo ako, kundi dahil ayokong masangkot sa kaguluhan at laban na damdamin na ang bida. Wala akong lakas ng loob na ipaglaban ang totoong ibig sabihin noon. At wala din akong sapat na karanasan para iparamdam sa iba ang tunay na kahulugan noon. Simple lang ako.. Marunong magmahal, pero salat sa karunungang iparating iyon sa iba.
Hindi ko ugaling ipagsiksikan ang sarili ko sa bagay na anlam kong kusang tumatanggi sa kin.. Hindi ako desperada na humihiling na lapitan mo para lang maging masaya. Mas marami pang bagay ang pwedeng maglagay ng ngiti sa mga labi ko..
ang aking ina.. ang tanging babaeng alam ang lahat tungkol sakin.. at ang kaisa-isang babaeng nagmahal sa akin kung ano at sino talaga ko..
Sa ginawa mo, sinaktan mo sya. Sana hindi mo na lang sya dinamay. Hindi ako pumapayag na luma;aban ng walang resulta. May kahihinatnan lahat..